| Chapter 3 |
1 | May isang lalaki sa mga Pariseo na ang pangalan ay Nicodemo. Siya ay isang pinuno ng mga Judio.
|
2 | Pumunta siya kay Jesus nang gabi at nagsabi: Guro, alam namin na ikaw ay isang guro na mula sa Diyos. Ito ay sa dahilang walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa malibang sumasakaniya ang Diyos.
|
3 | Tumugon si Jesus at sinabi sa kaniya: Totoong-totoong sinasabi ko sa iyo, malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.
|
4 | Itinanong ni Nicodemo sa kaniya: Papaano maipanganga-nak ang taong matanda na? Makapapasok ba siyang muli sa bahay-bata ng kaniyang ina at ipanganak?
|
5 | Sumagot si Jesus: Totoong-totoong sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.
|
6 | Ang ipinanganak sa laman ay laman at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu.
|
7 | Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyong, Kinakailangang ipanganak kang muli.
|
8 | Ang hangin ay umiihip kung saan nito ibig. Naririnig mo ang ugong nito ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Gayon ang bawat ipinanganak sa Espiritu.
|
9 | Tumugon si Nicodemo at sinabi sa kaniya: Papaano mangyayari ang mga bagay na ito?
|
10 | Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ikaw ay guro sa Israel at hindi mo alam ang mga bagay na ito?
|
11 | Totoong-totoong sinasabi ko sa iyo, ang aming nalalaman ay sinasabi namin. Pinatotohanan namin ang mga nakita namin. Hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.
|
12 | Hindi ninyo pinani-walaan ang mga bagay na panlupa na sinabi ko sa inyo. Papaano ninyo paniniwalaan kung sasabihin ko sa inyo ang mga panlangit na bagay?
|
13 | Walang pumaitaas sa langit maliban sa kaniya na bumabang mula sa langit. Siya ay ang Anak ng Tao na nasa langit.
|
14 | Kung papaanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng Tao.
|
15 | Ito ay upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
|
16 | Lubos na iniibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
|
17 | Hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan. Sinugo niya ang kaniyang anak upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.
|
18 | Siya na sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan. Ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na sapagkat siya ay hindi sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
|
19 | Ito ang hatol. Ang ilaw ay dumating sa sanlibutan at inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw. Ito ay dahil ang kanilang mga gawa ay masasama.
|
20 | Ang bawat isang gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw. Hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kaniyang mga gawa.
|
21 | Siya na nagsasagawa ng katotohanan ay pumupunta sa ilaw upang maihayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa pamamagitan ng Diyos.
|
22 | Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa lupain ng Judea. Siya ay nanatili roong kasama nila at nagbawtismo.
|
23 | Si Juan ay nagbabawtismo rin sa Enon na malapit sa Salim sapagkat maraming tubig doon. Sila ay pumaroon at nabawtismuhan.
|
24 | Si Juan ay hindi pa nakabilanggo noon.
|
25 | Nagkaroon ng isang katanungan ang mga alagad ni Juan at ang mga Judio tungkol sa pagdadalisay.
|
26 | Sila ay lumapit kay Juan at sinabi sa kaniya: Guro, tingnan mo, ang kasama mo sa ibayo ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabawtismo. Lahat ay pumupunta sa kaniya.
|
27 | Tumugon si Juan at nagsabi: Walang matatanggap ang isang tao malibang ito ay ipagkaloob sa kaniya mula sa langit.
|
28 | Kayo ang makapagpapatotoo na aking sinabi, hindi ako ang Kristo. Ako ay sinugong una sa kaniya.
|
29 | Ang may katipang babae ay ang katipang lalaki. Ang kaibigan ng katipang lalaki ay nakatayo at nakikinig sa kaniyang tinig. Siya ay lubos na nagagalak sapagkat naririnig niya ang tinig ng katipang lalaki. Sa ganito ring paraan ako ay lubos na nagagalak.
|
30 | Kinakailangang siya ay maging higit na dakila at ako ay maging higit na mababa.
|
31 | Siya na nagmula sa itaas ay higit sa lahat. Siya na nagmula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita ng ukol sa lupa. Siya na nagmula sa langit ay higit sa lahat.
|
32 | Siya na higit sa lahat ay nagpapatotoo sa kaniyang nakita at narinig. Walang sinumang tumanggap ng kaniyang patotoo.
|
33 | Siya na tumanggap ng kaniyang patotoo ay nagtatak na ang Diyos ay totoo.
|
34 | Siya na isinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos. Ibinibigay ng Diyos ang Espiritu ng walang sukat.
|
35 | Iniibig ng Ama ang Anak at ibinigay niya ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay.
|
36 | Siya na sumasampalataya sa anak ay may buhay na walang hanggan. Ang hindi sumasampalataya sa anak ay hindi makakakita ng buhay at ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.
|