| Chapter 11 |
1 | Mayroong isang lalaking maysakit na ang pangalan ay Lazaro. Siya ay taga-Betania na nayon nina Maria at ng kaniyang kapatid na si Marta.
|
2 | Si Maria ang siyang nagpahid ng pabangong langis sa Panginoon. Pinunasan niya ng kaniyang buhok ang mga paa ng Panginoon. Siya ay kapatid ni Lazaro na maysakit.
|
3 | Ang mga kapatid na babae ni Lazaro ay nag-utos upang sabihin kay Jesus: Panginoon, tingnan mo, si Lazaro na iyong minamahal ay maysakit.
|
4 | Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: Ang karamdamang ito ay hindi hahantong sa kamatayan kundi para sa kaluwalha-tian ng Diyos. Sa gayon ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito.
|
5 | Minamahal nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.
|
6 | Nang marinig nga niyang maysakit si Lazaro ay nanatili siya sa pook na kaniyang kinaroroonan. Siya ay nanatili roon ng dalawang araw.
|
7 | Kaya pagkatapos nito ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Pumunta tayong muli sa Judea.
|
8 | Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Guro, ngayon lang ay pinagtangkaan kang batuhin ng mga Judio. Babalik ka na naman ba roon?
|
9 | Sumagot si Jesus: Hindi ba may labindalawang oras sa maghapon? Ang sinumang naglalakad-lakad kung araw ay hindi natitisod dahil nakikita niya ang liwanag sa sanlibutang ito.
|
10 | Ang sinumang naglalakad-lakad kung gabi ay natitisod dahil wala ang liwanag sa kaniya.
|
11 | Sinabi niya ang mga bagay na ito. Pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanila: Ang ating kaibigang si Lazaro ay natutu-log. Pupunta ako upang gisingin siya.
|
12 | Sinabi nga ng kaniyang mga alagad: Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya.
|
13 | Ang sinabi ni Jesus ay ang tungkol sa kaniyang kamatayan. Inakala nilang ang sinabi ni Jesus ay tungkol sa paghimlay sa pagtulog.
|
14 | Kaya nga tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila: Si Lazaro ay patay na.
|
15 | Ako ay nagagalak alang-alang sa inyo na ako ay wala roon. Ito ay upang kayo ay sumampalataya, gayon pa man, puntahan natin siya.
|
16 | Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi nga sa kaniyang mga kapwa alagad: Pumunta rin tayo upang mamatay tayong kasama niya.
|
17 | Pagdating nga ni Jesus ay nalaman niyang si Lazaro ay apat na araw nang nasa libingan.
|
18 | Ang Betania ay malapit sa Jerusalem na may humigit-kumulang na tatlong kilometro ang layo.
|
19 | Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria. Sila ay naroroon upang aliwin sila tungkol sa kanilang kapatid.
|
20 | Pagkarinig ni Marta na si Jesus ay dumarating sinalubong niya siya. Si Maria ay nakaupo sa loob ng bahay.
|
21 | Sinabi nga ni Marta kay Jesus: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid.
|
22 | Alam ko na kahit ngayon anuman ang hingin mo sa Diyos, ito ay ibibigay sa iyo ng Diyos.
|
23 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong kapatid ay muling babangon.
|
24 | Sinabi ni Marta sa kaniya: Alam ko na siya ay muling babangon sa pagkabuhay na mag-uli sa huling araw.
|
25 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Siya na sumasampalataya sa akin bagamat siya ay mamamatay, siya ay mabubuhay.
|
26 | Ang bawat isang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hinding-hindi mamamatay kailanman. Sinasampalatayanan mo ba ito?
|
27 | Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Sumasampalata-ya ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na darating sa sanlibutan.
|
28 | Nang masabi na niya ito ay lumakad siya at tinawag ng palihim ang kaniyang kapatid na si Maria. Sinabi niya sa kaniya: Ang guro ay dumating at ipinatatawag ka.
|
29 | Pagkarinig niya nito ay agad siyang tumindig at pumunta sa kaniya.
|
30 | Si Jesus ay nasa labas pa ng nayon ng mga sandaling iyon. Siya ay nasa dakong pinagsalubungan sa kaniya ni Marta.
|
31 | Sumunod kay Maria ang mga Judio na kasama niya sa bahay at umaaliw sa kaniya. Ito ay nang makita nga nila si Maria na dali-daling tumindig at lumabas. Kanilang sinabi: Siya ay pupunta sa libingan upang doon tumangis.
|
32 | Dumating nga si Maria sa kinaroroonan ni Jesus. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. Sinabi niya sa kaniya: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid.
|
33 | Nakita ni Jesus na siya at ang mga Judiong sumama sa kaniya ay tumatangis. Siya ay naghimutok sa espiritu at nabagbag.
|
34 | Sinabi niya: Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.
|
35 | Si Jesus ay lumuha.
|
36 | Sinabi nga ng mga Judio: Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal.
|
37 | Sinabi ng ilan sa kanila: Ang taong ito ang nagmulat ng mga mata ng bulag. Hindi rin ba niya magawa na hindi mamatay ang taong ito?
|
38 | Si Jesus na muling naghihimutok ang kalooban ay pumunta nga sa libingan. Ang libingan ay isang yungib na natatakpan ng bato.
|
39 | Sinabi ni Jesus: Alisin ninyo ang bato. Si Marta na kapatid ng namatay ay nagsabi sa kaniya: Panginoon, sa oras na ito ay mabaho na siya sapagkat apat na araw na siyang patay.
|
40 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?
|
41 | Inalis nga nila ang bato sa dakong pinaglagyan ng patay. Tumingala si Jesus at nagsabi: Ama, pinasasalamatan kita na ako ay dininig mo.
|
42 | Alam ko na ako ay lagi mong dinirinig. Sinabi ko ito alang-alang sa mga taong nakatayo sa paligid. Ito ay upang sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.
|
43 | Nang masabi na niya ito, sumigaw siya ng may malakas na tinig: Lazaro, lumabas ka!
|
44 | Lumabas ang patay. Ang kaniyang mga kamay at mga paa ay natatalian ng telang panli-bing. Ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi ni Jesus sa kanila: Kalagan ninyo siya at pabayaan siyang yumaon.
|
45 | Marami nga sa mga Judio na pumunta kay Maria ang nakakita sa mga bagay na ginawa ni Jesus. Dahil dito, sila ay sumampalataya sa kaniya.
|
46 | Ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo. Sinabi nila sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
|
47 | Ang mga punong pari nga at mga Pariseo ay nagtipon ng sangguniang lupon. Sinabi nila: Ano ang ating ginagawa? Ang taong ito ay gumagawa ng maraming himala.
|
48 | Kung pababayaan lang natin siya, ang lahat ng tao ay sasampalataya sa kaniya. Kung magkagayon, ang mga taga-Roma ay darating at aagawin maging ang ating pook at bansa.
|
49 | Ang isa sa kanila ay si Caifas, ang pangulong pari nang taong iyon. Bilang pangulong pari ay sinabi niya sa kanila: Wala talaga kayong alam.
|
50 | Hindi ninyo pinag-isipan na makabubuti sa atin na mamatay ang isang tao para sa mga tao. Kung magkagayon, ang buong bansa ay hindi malilipol.
|
51 | Hindi niya ito sinabi ng sarili niya. Bilang pangulong pari nang taong iyon, hinulaan niyang si Jesus ay mamamatay para sa bansang iyon.
|
52 | Hindi lamang para sa bansang iyon kundi para rin sa mga anak ng Diyos na nangalat. Ito ay upang sila ay tipunin at pag-isahin.
|
53 | Mula nga sa araw na iyon sila ay sama-samang nagsanggunian na siya ay patayin.
|
54 | Si Jesus nga ay hindi na lumakad ng hayag sa gitna ng mga Judio. Siya ay nagtungo sa isang lalawigang malapit sa ilang, sa lunsod na tinatawag na Efraim. Nanatili siya roon kasama ang kaniyang mga alagad.
|
55 | Malapit na ang Paglagpas ng mga Judio. Bago ang Paglagpas, marami ang umahon sa Jerusalem mula sa lalawigan. Ang dahilan ay upang dalisayin ang kanilang mga sarili.
|
56 | Pinagtatangkaan nga nila si Jesus. Sila ay nag-usap-usap sa kanilang mga sarili habang nakatayo sa templo. Sabi nila: Ano ang inaakala ninyong dahilan upang hindi siya pumunta sa kapistahan?
|
57 | Ang mga punong pari, maging ang mga Pariseo ay nagbigay ng utos. Sinabi nila na sinumang nakaaalam kung nasaan si Jesus ay magbigay-alam upang siya ay madakip nila.
|