| Chapter 2 |
1 | Mga kapatid ko, ang pananampalatayang nasa inyo ay sa Panginoong Jesukristo na Panginoon ng kaluwalhatian. Huwag magkaroon ng pagtatangi ng mga tao ang pananampa-latayang ito.
|
2 | Maaaring may pumasok sa inyong bahay-sambahan na isang taong may gintong singsing at marangyang kasuotan. Maaaring may pumasok din na isang taong dukha na napakarumi ng damit.
|
3 | Maaaring higit ninyong binigyan ng pansin ang may marangyang kasuotan at sinabi sa kaniya: Maupo po kayo rito sa magandang dako. Sa taong dukha ay sinabi: Tumayo ka na lang dito o di kaya ay maupo ka sa patungan ng aking paa.
|
4 | Hindi ba kayo rin ay may mga pagtatangi-tangi sa inyong mga sarili? Kayo ay naging mga manghahatol na may masasamang isipan.
|
5 | Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito na mayayaman sa pananampalataya? Pinili silang tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya.
|
6 | Hinamak ninyo ang taong dukha. Ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa harap ng mga hukuman, hindi ba?
|
7 | Sila ang lumalait sa mabuting pangalan na itinatawag sa inyo, hindi ba?
|
8 | Kung tinutupad ninyo ang maharlikang kautusan ayon sa kasulatan, mabuti ang inyong ginagawa. Ang maharlikang kautusan ay: Ibigin mo ang iyong kapuwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili.
|
9 | Kaya kung kayo ay nagtatangi ng tao, kayo ay nagkakasala. Ipinapahayag ng kautusan na kayo ay lumalabag.
|
10 | Ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit natiti-sod sa isang bahagi ay nagkakasala sa buong kautusan.
|
11 | Sinabi ng Diyos: Huwag kang makiapid. Sinabi rin niyang huwag kang papatay. Kung hindi ka man nakiapid ngunit ikaw naman ay pumatay, ikaw ay lumabag sa kautusan.
|
12 | Kayat magsalita ka at gumawang tulad ng mga malapit nang hatulan ng kautusan ng kalayaan.
|
13 | Walang kahabagang hahatulan ng Diyos ang sinumang nagkait ng kahabagan. Ang kahabagan ay nagtatagumpay sa kahatulan.
|
14 | Mga kapatid ko, kung sabihin ng isang tao na siya ay may pananampalataya subalit wala siyang mga gawa, ano ang pakinabang noon? Maililigtas ba siya ng pananampalataya?
|
15 | Maaaring ang isang kapatid na lalaki o babae ay walang damit o hikahos sa pang-araw-araw na pagkain.
|
16 | Ang isa sa inyo ay nagsabi sa kanila: Humayo kayo nang payapa. Magpainit kayo at magpakabusog. Kung hindi naman ibinigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan, ano ang pakinabang noon?
|
17 | Ganiyan din ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ito ay patay sa kaniyang sarili.
|
18 | Maaaring may magsabi: Ikaw ay may pananampalataya, ako ay may mga gawa. Ipakita mo ang iyong pananampalata-yang walang mga gawa. Ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.
|
19 | Nananampalataya kang iisa ang Dios. Mabuti ang iyong ginagawa. Maging ang mga demonyo ay nananampalataya at nanginginig.
|
20 | Ikaw na taong walang kabuluhan, alamin mo ito: Ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.
|
21 | Ang ating amang si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, hindi ba? Ito ay nang ihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac.
|
22 | Iyong nakita kung papaanong ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.
|
23 | Ang sinabi ng kasulatan ay naganap: Sinampalatayanan ni Abraham ang Diyos. Ito ay ibinilang ng Diyos na katuwiran para kay Abraham at tinawag siyang kaibigan ng Diyos.
|
24 | Nakikita ninyong ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
|
25 | Hindi ba sa gayon ding paraan si Rahab na isang patutot ay pinaging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Matapos niyang tanggapin ang mga sugo, pinaalis niya sila at pinadaan sa ibang landas.
|
26 | Ang katawang walang espiritu ay patay, gayon din ang pananampalatayang walang mga gawa.
|