| Chapter 19 |
1 | Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit.
|
2 | Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube.
|
3 | Sinabi nila: Mabuhay ang hari ng mga Judio at pinagsasampal nila siya.
|
4 | Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Tingnan ninyo, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong matagpuang anumang maisakdal sa kaniya.
|
5 | Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang tao.
|
6 | Nang makita nga siya ng mga punong pari at mga tauhan, sila ay sumigaw. Sila ay sumigaw ng: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus. Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Wala akong matagpuang maisakdal sa kaniya.
|
7 | Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo? Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.
|
7 | Sinagot siya ng mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na anak ng Diyos.
|
8 | Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot.
|
9 | Siya ay muling nagpunta sa bulwagang hukuman at sinabi kay Jesus: Taga-saan ka ba? Hindi siya sinagot ni Jesus.
|
10 | Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba makikipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapangyarihang ipapako ka sa krus at kapangyarihang palayain ka?
|
11 | Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Ang nagsuko sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.
|
12 | Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabing: Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya ay nagsasalita laban kay Cesar.
|
13 | Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay inakay niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa upuan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo ito ay Gabata.
|
14 | Noon ay paghahanda ng Paglagpas, mag-iikaanim na ang oras. Sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.
|
15 | Sila ay sumigaw: Alisin siya, Alisin siya! Ipako siya sa krus! Tanong ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? Ang mga punong pari ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.
|
16 | Kaya nga isinuko niya siya sa kanila upang ipako sa krus. Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo.
|
17 | Siya ay lumabas na pasan ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na pook ng bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha.
|
18 | Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus.
|
19 | Si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: Si Jesus na taga-Nazareth, Ang Hari ng mga Judio.
|
20 | Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay dahil ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod. Ang pamagat ay isinulat sa Hebreo, sa Griyego, at sa Latin.
|
21 | Sinabi nga ng mga punong pari ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio, kundi, sinabi niya, Ako ay Hari ng mga Judio.
|
22 | Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.
|
23 | Nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at gayon din ang kaniyang balabal. Ang tunika ay walang tahi, hinabing buo mula sa itaas pababa.
|
24 | Sinabi nga nila sa isa`t isa sa kanila: Huwag natin itong punitin. Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito. Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at nagpalabunutan para sa aking damit. Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito.
|
25 | Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala.
|
26 | Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na nakatayo sa malapit. Nang makita niya sila. Sinabi niya sa kaniyang ina: Ginang, tingnan mo ang iyong anak.
|
27 | Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Tingnan mo ang iyong ina. Mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.
|
28 | Pagkatapos nito, si Jesus na nakaaalam na ang lahat ng mga bagay ay naganap na ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan.
|
29 | Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng suka. Binasa nilang mabuti ng suka ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng hisopo at idiniit sa kaniyang bibig.
|
30 | Nang matanggap na nga ni Jesus ang suka, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ng kaniyang ulo at isinuko niya ang kaniyang espiritu.
|
31 | Noon ay araw ng Paghahanda. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa krus sa araw ng sabat. Ang sabat na iyon ay dakila. Ang mga Judio nga ay humiling kay Pilato. Kanilang hiniling na mabali ang mga binti ng mga nasa krus upang sila ay maialis.
|
32 | Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako.
|
33 | Pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na. Hindi na nila binali ang kaniyang mga binti.
|
34 | Isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig ay biglang lumabas.
|
35 | Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya.
|
36 | Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan: Isa mang buto niya ay hindi mababali.
|
37 | Sinasabi sa isa pang kasulatan: Titingnan nila siya na kanilang tinusok.
|
38 | Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus.
|
39 | Nagpunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus, nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang libra ang timbang.
|
40 | Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng kayong lino kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paglilibing ng mga Judio.
|
41 | Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan.
|
42 | Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.
|